Great day mga voicemates! Napakasuwerte namin sa batch na ito at aming napakinggan ang isang living legend pagdating sa dubbing, na si sir Danny "Ama" Mandia. Unang tingin ko kay Ama ay mukhang intimidating yong dating nya, pero 'nung nagsalita na siya, sa boses pa lang ay ramdam ko na kung gaano siya karespetadong tao at ramdam na ramdam ko na galing lahat sa puso 'yong mga sinasabi nya. Siya yung tipong kapag nagsalita, tatahimik talaga ang lahat at taimtim na makikinig.
Sa pakikinig sa kanya ay humanga ako sa determinasyon niya lalong-lalo na noong nagsisimula pa lamang ang Dubbing industry at ayon nga sa kanya ay umaabot sila ng 2 weeks bago matapos ang isang episode. Ganoon pala talaga kabusisi ang pagdadubbing kasama na doon ang pagtranslate ng linggwahe, na kinakailangang tumugma ang mensahe at ang timing nito sa naturang film. Considering na wala pa masyadong softwares para makatulong sa pagdadub ay talagang hanggang imahinasyon ko na lang makikita kung gaano nagsikap sila sir Danny para maitaguyod ang mundo ng dubbing.
Isa pa sa hinangaan ko sa naging talk ni sir Danny ay ang kanyang pagkatao mismo. Siya ay talagang mapagbigay at yon ay maipapakita nang maikwento nya kung bakit hindi siya kadalasan ang mismong nagdadub sa isang karakter. Ayon sa kanya hindi siya nagdadub dahil ayaw niya, kundi dahil mas gusto niyang ibigay na lang sa iba pang dubber yong slot, para naman mas marami ang makinabang. Dito pa lang ay mararamdaman mo na kung gaano kabait na tao ang isang Danny Mandia. Ayaw niya sa kompetisyon. Mas gusto niya na magtulungan ang bawat isa at matutong ibahagi kung ano man ang karunungan at karanasan na pwedeng matutunan ng ibang tao. Isa pa sa nagpapatunay nito ay noong magdesisyon ang mga dubbers na kanyang hinahandle na magsarili at maging dubbing directors na din. Imbes na sumama ang kanyang loob at isipin na nakikipagkompetensya na ang kanyang mga dating tinuturuan ay natuwa pa siya dahil sa tagumpay na nakamit ng mga taong nakasama niya.
Ika nga niya, "Ang aking tagumpay ay yung mga taong nagtagumpay dahil sa akin". Isa na nga sa kanyang mga tagumpay ang The VoiceMaster. Habang pinapakinggan ko sir Danny ay naririnig ko rin ang mga salitang madalas sabihin din sa amin ni sir Pocholo. Lalo na yung mga salitang sharing at huwag magpa-apekto sa mga negatibong komento ng ibang tao. Dito ko narealize na malaki ang naging parte ni sir Danny bilang isang mentor sa kung paano nahubog ang pagkatao ni sir Pocholo.
Ang pinakatumatak sa akin sa naging talk na iyon ni Sir Danny ay ang pagpapahalaga niya sa ating wika at ating kultura. Dito ko mas lalong naappreciate yong katha ng mga Filipino dubbers. Hindi lang pala nila ito ginagawa para pagkakitaan, kundi pati rin pala maipromote ang paggamit ng ating sariling wika sa kung anuman ang ating nais sabihin.